Sunday, July 7, 2013

Suportahan Taka


“Kung saan ka masaya, ti suportahan taka. [Kung saan ka masaya, susuportahan kita.]”

Galing ang linyang ito sa patalastas ng PLDT NDD na pinamagatang Suportahan Taka. Tungkol ito sa isang mag-aaral ng medisina na naglahad sa ama niya ng kagustuhang lumipat sa kursong Fine Arts. Kalakip sa baba ang bidyo ng naturang patalastas.


Hindi maalis ang ngiti sa labi ko nang muli kong mapanuod itong kinalakihan kong patalastas. Noong nasa unang baitang ako, taong 2001, naging tampok ang nabanggit na paanunsiyo. Simula nang umusbong ito, ginamit na naming magkakaibigan ang naturang linya bilang isang pangkatuwaang pagpapahayag ng suporta. Tuwing mayroong nagbabahagi ng mithiin – simple man o enggrande – lagi naming sinasagot gamit ang linyang nasa itaas para tuksuhin.

Noong panahong iyon, nakasentro lamang sa konsepto ng pangkatuwaan ang tingin ko sa patalastas na ito. Para sa akin, isa lamang itong paanunsyo na mayroong kaayaayang linya na maaaring magamit sa pang-aasar. Subalit ngayon, pagkalipas ng halos labing dalawang taon, nagkaroon ako ng panibagong kamalayan sa kung papaano pa makikitaan ng silbi ang nabanggit na patalastas bukod sa orihinal nitong silbi na paraan ng pagbebenta at sa kinalakihan kong silbi na instrumento ng pang-aasar. Ang pagsasalamin sa kultura at kaayusan noong taong 2001 ang tinutukoy kong panibagong silbi ng patalastas ng PLDT NDD na Suportahan Taka.

Kung susuriin ng maigi ang patalastas, makikita na bagamat nabibigyan ng pangunahing pansin ang telepono dahil nga PLDT NDD ang tinatampok na produkto, mayroon pa ring mga pagkakataon kung saan nakatuon lamang ang kamera sa lunan na pinagkuhanan ng mga eksena. Mula sa mga pagkakataong ito, magkakaroon ang mga manunuod ng ideya kung ano ang itsura ng mga lugar sa eksena, partikular na ang Sampaloc, Manila at ang Jaro, Iloilo.


Bukod dito, maaari ring mapagtanto na konserbatibo ang pananamit ng mga mamamayan sa tiyak na lugar at panahong iyon. Nakasuot sila ng mga pantalon o kaya naman paldang hanggang tuhod. Hindi tulad ng sa kasalukuyan na mapangahas ang istilo ng pananamit kahit pa nananahan sa panlalawigang pook.


Kapansin-pansin rin sa patalastas ang pangamba ng anak na sabihin sa kanyang ama ang tunay na ninanais niya. Sinasalamin nito ang mataas na autoridad ng mga magulang sa desisyon sa buhay ng kanilang mga anak. Madaming kaso tulad ng nasa patalastas ang mahahanap sa internet sa taong 2001. Dalawa na dito ang larawan na nasa ibaba kung saan gusto ng mga magulang ng mga estudyane na mag-aral sila sa Renfrew kahit ayaw nila.


Huli sa lahat, mapagtatantuhan din na hindi pa gaanong progresibo ang teknolohiya sa mga panahong iyon. Makikita sa bidyo na telepono lamang ang gamit sa komyunikasyon. Patunay dito ang artikulo ni Wilson Rothman na may pamagat na 10 Obsolete Gadgets That Made Great Gifts Back in 2000. Halos kapanahunan ng patalastas na ito ang mga larawan sa ibaba ng mga kagamitan na kabilang sa listahan ni Rothman. Pinapakita lamang ng mga ito kung gaano pa kahuli sa teknolohiya ang panahong pinag-usbungan ng naturang patalastas.


Sino ba naman ang mag-aakala na maaaring magsilbing gabay ang simpleng patalastas ng telepono para mas maunawaan ang mga kaganapan sa nakaraan? Bagamat ginawa lamang ang patalastas na Suportahan Taka upang itampok ang produktong PLDT NDD, naging daan ito para matukoy ang iba’t ibang aspekto ng panahon kung kailan umusbong ang naturang patalastas. Partikular na sa mga ito ang aspekto ng kaayusan ng lunan ng mga eksena, pagiging konserbatibo ng mga mamamayan, mataas na paggalang sa kagustuhan ng mga magulang, at tasadong paggamit sa teknolohiya sa tiyak na nayon at panahong iyon.

No comments:

Post a Comment